Saturday, June 1, 2013

Kaya Nila, Kaya Mo Rin, Kaya Natin To!



Kaya Nila, Kaya Mo Rin, Kaya Natin To!
DERETSO BALITA, Taon 2, bilang 4, April 24-30, 1999
Virgilio T. Villancio

Kasama  ang aking pamilya, umuwi kami  sa aming  bayan sa Lopez, Quezon noong nakaraang Mahal na Araw upang dumalo sa ika-25 taong pagkikita-kita ng High School Class 1974 sa Lopez Provincial High School. Ayon sa aking misis, mabuti raw ang aming klase dahil marami ang naging matagumpay sapagka=t makikita sa dami ng mga sasakyan na nakaparada at mga nagsipagtapos sa kolehiyo. Marami rin naman ang dumalo, subalit karamihan dito ay mga propesyonal at ang mas marami na naiwanan sa bayan ng Lopez ay nagbantulot na dumalo dahil sa pag-aalangan. Dahil hindi nakatapos sa kolehiyo, sila ay naging magbubukid at manggagawa at sa kanilang pagtingin ay alangang makihalubilo sa ganitong pagtitipon. Bakit nga ba ganoon ang  pananaw ng ating mga kabayan? Dahil isang magbubukid o dahil isang tsuper  ay hindi na karapat-dapat makihalubilo sa lipunan? Ang ganitong pagtitipon ay hindi isang paraan ng pagyayabang ng ating narating o pagpapakita ng kayamanang ating naibunton. Manapay isang paraan ng pagtutulungan, paglingon sa ating pinagmulan at pagtanaw ng utang na loob sa paaralang ating pinanggalingan, sa mga gurong naghugis ng ating murang isip, at gayundin sa bayang ating  sinilangan. Hindi naman kinakailangang magtapos ka sa kolehiyo upang magtagumpay sa pamumuhay. Ilang mag-sasaka sa Batangas ang nakapagpa-aral ng kanilang mga anak ng dahil sa mais. Mayroon pa ngang negosyanteng nagsimula  sa limangdaang piso ang puhunan. Mayroong mamimili ng kopra na dati ay magbobote-garapa at asin.  Mayroon akong kaibigan na nagtrabaho sa Saudi na bumalik sa Pilipinas ng hindi rin naman gaanong nakapag-tipon ng salapi. Subalit ang hirap na dinanas sa Saudi ang nagsilbing inspirasyon upang magsumikap dito sa Pilipinas. Hindi na pala kailangan mag-Saudi kung may pagsisikap para umunlad. Maaari ko bang sabihin ngayon na kung kaya nila, kaya mo rin, kaya natin to?

Sa pag-uwi ko sa aming bayan, dito ko muling nabigyan ng pag-tingin ang kalagayan ng aking bayan. OO, nga at masasabing first class municipality na ang bayan ng Lopez subalit masasabi ba nating first class na rin ang mga naninirahan dito? Alam natin  na mabibilang sa daliri ng ating kamay at paa ang mga barangay na naaabot ng kalsada sa bayang ito sa kabila ng halos isandaan (100) ang barangay sa bayan ng Lopez (sa ngayon,2013,  ay mas marami ng barangay ang nararating ng kalsada.) Kaya lamang naging first class municipality ang Lopez ay dahil na rin sa laki ng sukat ng bayang ito at sabi nila dahil na rin sa malaking kitang iniaambag ng pabrika ng Philippine Flour Mills na matatagpuan sa Hondagua. Ano nga bang mga industriya ang makikita sa Lopez, Quezon? Sa pagsasaka ng niyog at palay pa rin umaasa ang mga taga-Lopez. Ang alam ko, maraming coco lumber ang nanggagaling dito, lalo na noong matapos ang bagyong Rosing na  nagbuwal ng may kalahating milyong puno ng niyog. Sa pagdaan ng El Nino nitong 1998, lalong nahirapan ang mga magniniyog dahil naapektuhan ang pagbunga ng niyog.  Medyo mahal ang presyo ng lukad ngunit wala namang niyog na maaani ang mga magsasaka. Kaya ngat patuloy pa rin ang pagpuputol ng niyog, gayundin ng iba pang punong nasa niyugan katulad ng mga puno ng batino, ilang-ilang, pili, at iba pang bungangkahoy katulad ng santol, mangga at sampalok upang magkaroon ng panandaliang kita at may maibili ng makakain. Nakalulungkot isipin na ang mga punong ito ay itinanim o di kayay hindi pinutol ng mga ninuno at pinangalagaan upang pakinabangan ng kanilang mga inapo sa mas mahabang panahon.  Pinutol nga ang mga niyog, ang mga puno subalit higit na nakakalungkot nito ay wala tayong makitang kapalit na punong itinatanim. Hindi ba dapat na magtanim tayo ngayon ng mga punong ito upang may pakinabangan rin ang ating mga anak at inapo?  Pagmasdan natin ang mga kabundukan sa Sierra Madre sa dakong Laguna at Quezon. Hindi bat mag-iisip ka rin na kung hindi  tinamnan ng niyog ang mga kabundukang ito ng ating mga ninuno, maaring ito ay nanatiling kalbo katulad ng mga kabundukan sa may parteng Rizal.  Kinakailangan ngang buhayin natin ang pagpapahalaga sa mga kalupaang ito upang maitaguyod natin ang likas-kayang pag-unlad para sa susunod na saling-lahi. Kung nagawa nga ng ating mga ninuno na magtanim ng niyog noon bakit hindi natin makakaya ngayon. Kung kaya nga ng mga taga-Laguna na magtanim ng Lanzones noon, bakit hindi makakaya ng taga-Quezon na magtanim ng iba pang mga bunga at punong-kahoy? Sabi nga ni dating Administrator Escueta ng Philippine Coconut Authority, sa pamagitan ng Maunlad na Niyugan , maaaring kumita ang may niyugan ng P100,000 bawat ektarya sa isang taon. Abay kung kaya nila, kaya mo rin, kaya natin to!

Bandang hapon, matapos ang reunion namin, isang pinsan ko ang nagsadya sa akin upang makipagkumustahan. Napadako kami sa ilang mga kaganapan sa Lopez. Nabanggit niya ang tungkol sa Farmers Field School (FFS) na isinagawa ng Pambayang Opisina ng Pagsasaka.Hindi lamang ito ginagawa sa bayan ng Lopez. Ito ay isinasagawa sa halos lahat ng bayan na may programa sa  palayan, maisan at gulayan. Dito ay sinasanay ang mga magsasaka  ng palay tungkol sa mga makabagong pamamaraan sa pagpapalayan na hindi nakadepende lamang sa inorganikong pataba at mga pestisidyo kundi nagbibigay halaga sa kakayahang magkaroon ng sariling pagtuklas ng mga magsasaka. Itinataguyod dito ang konsepto ng magsasaka-syentista kung saan ay iginigiya ang mga magsasaka upang matutong mag-aral, mag-suri at magsaliksik. Sa gawaing ito, hindi lamang ang mga magsasaka ang natututo kundi maging ang mga teknisyan rin.  Maging ang mga lokal na pamahalaan ay nagbibigay ng kanilang ambag dito. Sa aking napuntahang isang bayan sa Batangas, nabanggit sa akin ng Municipal Agriculturist na ang Agricultural Training Institute (ATI) na siyang nagtataguyod ng ganitong programa ay nagbibigay lamang ng P 3,000 bilang suporta sa Field Day at pagtatapos ng pagsasanay. Bawat linggo ay may kalahating araw na inilaan para sa pagsasanay at mayroon din silang on-farm trial na inoobserbahan. Sa loob ng 16 na linggong pagsasanay, ang mga gastusin ay sinagot ng lokal na pamahalaan, na nagkakahalaga ng    P 16,000. Samantalang sa bayan ng Lopez, itinanong ko sa kay pinsan  kung mayroong naiambag ang lokal na pamahalan. Hindi niya masigurado kung may naitulong ang lokal na pamahalaan subalit sinabi niya na ang  mga opisyales ng bayan na nangako ng suporta sa field trip na isinagawa ng mga kalahok na magsasaka sa FFS upang magmasid sa  PhilRice ay hindi nakatupad. Mabuti pa ang ilang mga magsasaka na nagbigay ng kanilang ambag upang maisakatuparan ang pagpunta sa PhilRice sa Nueva Ecija. Sabi ko nga kay pinsan, kung kaya ninyo bakit nga ba kailangan pang umasa sa mga politiko? Pero bakit nga ba? Hindi ba dapat rin namang magbigay sila ng suporta sa magsasaka, lalo pa ngat kung ito ay para sa kanilang ikabubuti? May mga lokal na pamahalaan na mahusay ang suporta sa pagpapaunlad ng pagsasaka katulad ng sa Rosario, Batangas at sa Dolores, Quezon. Hindi ba puede rin nating sabihin sa ating mga lokal na pamahalan, kung kaya nila, kaya mo rin, kaya natin to!

Hindi sa ganon lang napunta ang aming usapan. May kasunod na sumbat ang isinumbong sa akin ni pinsan. Sabi ni  kabayan,  mayroon namang mga taga-Lopez na nasa UP Los Banos at sa Department of Agriculture na dapat ay makatutulong sa atin ay bakit parang kinakalimutan na yata   ang Lopez. Abay isa ako doon sa taga-UPLB. Mayroon ding taga-Lopez na  Deputy Director ng Biotech (ngayon siya na ang Director), naging Director ng dating Institute of Forest Conservation at may mga instructor sa Institute of Physics at College of Forestry. Samantala, mayroon ring taga-Lopez na  researcher sa PhilRice, at may Director sa mismong Department of Agriculture. Totoo rin naman ang sinabi ni Kabayan. Subalit hindi naman ganoon namin nakalimutan ang Lopez. Kaya nga lamang ay napakadalang nga ng aming tulong na naibibigay at iyon ay kung nagkakaroon lamang ng mga seminar. Sa totoo lamang, nagagawa namin ang tumulong sa pagpapaunlad ng ibang pamayanan kung saan kami ay nadidistino, ngunit bakit nga ba sa sariling bayan, itoy hindi gampanan.  Kailangan ngang  makabalangkas ng isang programa na si pinsan, si kabayan, tayong lahat ay magkaka-ugnay para pagpapaunlad ng ating pamayanan. Abay kung kaya nila, kaya mo rin, kaya natin to, Kabayan!



Nito namang linggo pagkaraan ng Mahal na Araw, nagbiyahe ang aming grupo sa ilang bayan ng Batangas at Quezon upang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa pagpapaunlad ng lokal na agrikultura. Sa biyahe ngang ito ko nakatagpo ang ating kaibigan, utangan at sumbungang si Ginoong Paul Manalo. Sa Padre Garcia, Batangas pa kami nagka-krus ng landas. Palagi siyang nadadaan ng Los Banos ngunit palaging lampas papuntang San Pablo at hindi man lamang magkaroon ng pagkakataong maka-silip sa kanyang mga apo sa Los Banos. Abalang-abala sa kanyang paglilingkod sa madla. Nabanggit ko ang isang panukala at ito ay nabanggit ko na rin sa Bise-alkalde at ilang kagawad ng Sampaloc, Quezon gayundin sa alkalde ng Moncada, Tarlac. Nais rin ng aking opisina, ang Farming Systems and Soil Resources Institute (ngayon ay Agricultural Systems Institute) na ito ay maitaguyod at maipatupad. Ang panukalang ito ay ang pagsasabatas ng paglalaan ng pondo para sa Local Agriculture, Fisheries and Forestry Development (LAFFD) Fund. Layunin ng pondong ito na suportahan ang lokal na pagpapaunlad ng agrikultura, pangisdaan at gubatan sa mga bayan at lalawigan. Sinasabi ng batas na dapat maglaan ang lokal na pamahalaan ( bayan at lalawigan) ng pondo para sa pag-papaunlad. Subalit alam ng nakararami na ang mga pamayanang higit na nangangailangan ng pag-unlad ay ang mga pamayanang walang sapat na pondo para rito at pangkaraniwan ng ang mga pamayanang ito ay nakabase ang kabuhayan sa agrikultura o pangisdaan  at hindi sa industriya. Bakit nga ba? Dahil ang pondo ng lokal na pamahalaan sa pagpapa-unlad ay nakadepende sa kabahagi nito sa Internal Revenue Allotment (IRA) na nakabase naman sa dami ng populasyon. Kaya ang mga urbanized municipalities na mas marami ang mga mamamayan ang higit na malaki ang IRA kaysa sa mga agriculture and fishery-based municipalities. Sa halip na kumipot ang agwat ng antas ng pag-unlad sa mga pamayanang ito, lalong naiiwanan ang mga agriculture and fishery-based municipalities. Katulad nga sa  Laguna, mas malaki ang suweldo ng mga agricultural technician sa parteng Binan, Sta. Rosa at Cabuyao kung saan ay maliit na ang sukat ng sakahan kaysa sa mga teknisyan sa Sta. Maria, Mabitac, Magdalena at iba pang bayan sa silangang parte ng Laguna na mas malawak ang sakahan. Ang LAFFD Fund  ay maaring ilaan sa mga lokal na pamahalaang panlalawigan at pambayan ayon sa lawak ng lupaing agrikultura, gubatan at pangisdaan. Sa gayon, ito ang magbibigay ng daan upang makahabol sa pag-unlad ang mga agriculture and fishery-based municipalities. Malaking bagay ang maitutulong nito sa problema ng mga syudad sapagkat hindi na kinakailangang lumuwas pa ang mga tao sa kanayunan upang umunlad ang kabuhayan. Ang pag-unlad ay makukuha mo na rin sa kanayunan kung saan ay may katiwasayan at malayo sa kaguluhan ng mga lungsod. Marahil, ito rin ang isa sa dapat pag-aralan ng kagalang-galang na Edgardo Angara (ngayon ay Secretary Proceso Alcala, taga-Quezon), ang sinasabing  susunod  na sekretaryo ng DA, sapagkat paano nga ba ang modernisasyon ng agrikultura at pangisdaan kung walang suporta sa lokal na pagpapaunlad nito.  Panawagan na rin kay Senador Pimentel sapagkat ito ang isa sa dapat  bigyan ng pansin na hindi ninyo naisangkap sa Local Government Code. Kaya marahil maraming teknisyan sa agrikultura ang nangampanya para hindi ka manalo noong madagdag-bawas ka. Sariwa pa sa kanila noon ang sakit sa puso ng debulosyon. Mapalad ka nitong nakaraang eleksyon dahil naghilom na ang sugat nila. Sa palagay kaya ng mga  Congressman natin , kaya natin to? Sabi ni Ginoong Paul Manalo, dapat kayanin natin. Hindi lang balita, dapat  Deretso na to!

1 comment:

camilliarabinovitz said...

The top 20 casino games to play for real money - Dr.D.C.
For 인천광역 출장마사지 example, a game called “Poker” would be played 양주 출장샵 for 5 to 세종특별자치 출장마사지 10 minutes. A standard poker 군포 출장샵 hand is a 10-card poker hand in which 당진 출장마사지 a player sets a